Saturday, April 19, 2014

Tatak Pinoy!

Maraming kakaibang bagay sa Pilipinas na wala sa ibang bansa. Kung ikaw ay tatanungin ko ngayon, anu-ano ang mga bagay na masasabi mong "Tatak Pinoy?"

Heto ang iilan sa masasabi kong Tatak Pinoy:

1. Merienda. Mahilig tayong kumain. May almusal, merienda sa umaga, tanghalian, merienda sa hapon, hapunan, at merienda sa gabi. Hindi pa kasama diyan yung pagkain sa pagitan ng mga main meals at merienda. Minsan bumibili pa tayo ng mga tigpipisong chichiria tulad ng Lumpia, Dingdong, Chikito, at chikitita.

2. Ano, kuwan. Kapag naubusan na tayo ng salita, madalas natin gamitin ang salitang "ano" bilang panghalip o pamalit. Ang nakakapagtaka, nagkakaintidihan pa rin tayo kahit puro ano at in-ano ang mga naririnig natin. "Anak, pakikuha nga 'yung ano dyan. 'Yung pang-ano ng kawali." Swak!

3. Tingi. Katulad ng binanggit ko sa taas, dito lang sa Pilipinas uso ang tingi. May tigpisong chichiria tulad ng Dingdong kung hindi mo afford ang mga mamahaling chichiria tulad ng Piattos. Kung talagang naghihirap ka na, hihingin mo pa 'yung tingi ng kaibigan mo. Kawawang bata. Maliban sa pagkain, pwede din magtingi ng diaper, napkin, kendi, bubblegum, at pangluga.

4. Po at opo. Ito ay salitang dinadagdag sa pangungusap bilang paggalang sa matatanda at minsan sa mga bata kung di sila marunong magpa-po. Kasama dito ang pagmamano. Natural na sa ating mga Pilipino ang maging magalang. Nakakalungkot lang isipin na nagpapaka-modern tayo mag-isip at parang Amerikano kaya pagdating ng panahon, hindi na tayo rerespetuhin ng mga bata.

5. Pasalubong. Uso pa din ang pasalubong kahit na nagpunta ka lang sa palengke. Kung marami kang pera, hindi maaring hindi ka mag-uuwi ng pasalubong kahit donut, kalamay, o cheese bread man ito. Kapag napupunta ka sa ibang panig ng bansa: sa Boracay, Tagaytay, Batanes, o Pinatubo, di maaring hindi ka bibili ng Tshirt bilang pasalubong.

6. Bagoong. Sabi sa Internet, and bagoong ay dark, mysterious, at smelly. Pero kahit na may kakaibang amoy ang bagoong, masarap itong gawing sawsawan. Kung medyo magaling ka magluto, pwede ka mag-experiment ng ibang combination para sa bagoong tulad ng milo o gatas.

7. Fiesta. Sa Pilipinas din uso ang Fiesta. Festival naman ito sa ibang lugar pero dahil nasa malayong sibilisasyon tayo, Fiesta muna ang pokus natin. May Fiesta na pambarangay at pambayan. Maghahanda ng pagkain at dadagsa ang maraming bisita. Kung sadyang timawa kayo at hilig niyo kumain, pwede araw-arawin ang fiesta.

Trivia: Walang salitang "timawa" kahit madalas ko siyang gamitin. Ang Timawa noon ay tinatawag nilang freeman pero di ko alam na hindi pala siya pwedeng gamitin sa statement na "timawa sa pagkain."

8. Jeepneys. Makulay na jeepney ang sikat sa Pilipinas. Modern na kasi 'yung XLT na sinasabi nila. Sa mga probinsya makakakita ka pa ng mga makalumang jeep. May mga kabayo na design sila. Ito ang main transportation ng mga Pilipino maliban sa tricycle, pedicab, at kalesa.

9. Dinuguan at Balut. Ito ang dalawang pagkain na masasabi mong "only in the Philippines." Yung dinuguan, malamang gawa sa dugo, kahit na mukhang makalat, favorite food ko pa din siya. Depende din kung sino nagluto. Yung balut naman, ethnic food para sa mga outsiders. Kahit asin lang solb na!

10. Inuman. Kahit malugi ang kumpanya at hindi kumain ang pamilya, magagawa pa rin ng isang Pinoy na uminom. Hindi ako mahilig uminom, occassional lang. Hindi ko din gusto ang alak. Mas gagastos pa ako para sa ibang pagkain, pero masaya uminom kapag maraming kasama. This is an irony of life. Wala akong masabi. Ang mga Pilipino kayang uminom kahit sa gilid ng daan, sa harap ng tindahan, sa likod ng bahay, sa ilalim ng puno, sa itaas ng puno kung may tree house, at pwede din sa gitna ng puno kasama ng mga dwende.

11. Gayuma, agimat, at anting-anting. Hindi pa ako nakainom ng gayuma at hindi ko pa rin nasubukan gumamit ng agimat. Nakakita ako ng agimat sa SM Pampanga, 'yung bato ni Darna, marami. Pwede mo bilhin, 80 pesos per kilo. Pero di ako naniniwalang magiging super hero ka pag kinain mo 'yun.

12. Yoyo. Ayon sa aking pananaliksik, ang yoyo daw ay nag-originate talaga sa Pilipinas. Bilog ang hugis ng yoyo at may tali ito na pwede mo ihagis sa kalaro mo kapag hindi ka marunong. Kung expert ka na sa paggamit ng yoyo, pwede mo na ito lagyan ng tricks tulad ng walk the dog, rock the baby, at around the world kahit hindi ko alam kung ano ang mga ito.

13. Tabo. Kung sa ibang bansa uso ang shower, dito sa Pilipinas, meron tayong tabo. Ginagamit itong panalok ng tubig sa paghuhugas ng pinggan, pampaligo, at sa tuwing sumasakit ang tiyan natin at gusto natin magCR. Ayos nga naman ang tabo, mabentang mabenta.

14. Jollibee. Tatak Pinoy at sumisikat din sa ibang bansa. Gusto ko tuloy kumain ng burger ng Jollibee. Bakit nga naman ang mga bata, sa tuwing nadadaan ng Jollibee e tuwang tuwa? Pwede din naman silang matuwa kapag nakita nila 'yung Pancake House? Dahil ba sa may mascot ito?

15. Bahala na. Ito ang pinakanakakainis na ugali ng Pilipino. Sa tuwing hindi masagot ang isang tanong, bahala nalang ang isasagot.


Marami pang ibang bagay ang masasabi kong tatak Pinoy at matatagpuan lamang dito sa Pilipinas. Kahit na naghihirap na ang bansa natin, masaya pa rin dito. Marami ang nagsasabi bakit hindi ko subukan mag-ibang bansa, ang nasa isip ko nalang malalayo ako sa buhay na kinagisnan ko. Wala lahat ng mga nabanggit sa taas. Ikaw?

No comments:

Post a Comment