Nais ko
lang ikwento at ibahagi sa mga mambabasa ang mga nausong laro noong panahon ko.
Ngayon kasi, iba ang nakikita ko sa mga kabataan. Ang simpleng
pakikipagkwentuhan lang at paglalaro ng bahay-bahayan ay tanda ng kabataang
lumipas na. Noong bata ako, palagi ako naglalaro sa labas kapag palubog na ang
araw at uuwi na bago mag-gabi. Lagi kami pinapatulog pagkatapos ng lunch para
daw lumaki kami. Walang pakialam ang mga bata noon kahit kainin mo lahat ng
alikabok sa lansangan. Kapag nadapa ka, iiyak ka lang tapos tatawa--ayos na.
Pero ngayon kapag nadapa ka? Kahihiyan ang mararamdaman mo.
Masarap
balikan ang mga panahon kung saan simple ang lahat ng bagay at ang mga tao din.
Malaki ang pagkakaiba sa paraan ng pamumuhay ng mga kabataan noon at ngayon.
Ang mga bata ngayon, iba na ang mga alaalang babaunin pagtanda nila. Heto ang
ilan sa mga larong nauso noong elementary palang ako. Mahirap lang kami kaya sa
public school ako nag-aral pero kahit na ganoon, masaya ako na naranasan kong
maging bata sa panahon namin.
Game:
Teks, holen, at iba pang collection
Players:
Dalawa (depende kung ilan ang nagpapayabangan.)
Type:
Payabangan at padamihan ng collection.
Materials:
Teks o postcard, holen, at iba pa.
Description:
Bata palang uso na ang collection. Noong panahon ko, ang mga nausong teks ay
ghost fighter, dragon ball, flame of recca, at pokemon. Piso ang isang balot ng
teks na may laman na apat na postcard ng favorite anime character mo. Minsan
may mga araw na ang galing galing mo at nananalo ka palagi tapos gagawin mo ng
favorite teks at pamato iyon.
Game:
1,2,3 Viva!
Players:
Kahit ilan, pwede isang buong barangay.
Type:
Habulan.
Materials:
Mga sarili nyo lang.
Description:
1,2,3 Viva! Ito ay klase ng laro na nakakapagod dahil habulan. May taya sa
umpisa tapos kapag na-out na kayong lahat, sabay-sabay kayong sisigaw ng 1,2,3
Viva! Parang Fiesta! Kapag iba ang kamay mo sa karamihan, ikaw naman ang
susunod na magiging taya tapos kakaripas nang takbo ang mga kalaro mo. Mayroon
din ibang version ang laro na ito tulad ng Sili-sili maanghang, tubig-tubig
malamig.
Game:
Agawan Base o Moro-Moro
Players:
Kahit ilan basta dalawang team ang magkalaban.
Type:
Habulan.
Materials:
Panyo (kung gusto mong mandaya at manguryente.) at Bato (dahil pwede kayo
mag-away pagkatapos.)
Description:
Sa larong ito mo madalas marining ang "Mas bagong base ako sayo"
dahil dito mas may kapangyarihan ang
huling
nanggaling sa base. Bawat mataya mong kasangga ay makukulong sa base nila
hanggang sa magdugtungan na parang preso. Minsan bawal gumamit ng accessories
bilang pagdugtong tulad ng panyo. Sasabihin ng mga kalaban "Bawal
nangunguryente." So libre pala kuryente, pwede din kaya manood ng T.V.
Game:
Bahay-bahayan
Players:
Kahit ilan basta makakabuo kayo ng pamilya.
Type:
Indoor game.
Materials:
Mga laruan na pinggan at baso. Pwede ding totoong baso para paluin ka ng nanay
mo.
Description:
Maganda ang larong ito kasi hanggang ngayon uso pa din siya, kaso tinotoo na.
Naging makatotohanan ang bahay-bahayan at naging tatay talaga ang tatay at
naging nanay talaga ang kaibigan na nanay. Binahay na talaga ang kalaro kaya
ayun, they lived happily ever after. Dito matututo maglaro ang mga bata ng
kanin kung saan gagamit sila ng ipil-ipil.
Game:
Tagu-taguan
Players:
Kahit ilan. Uso ito sa mga magpipinsan at kapitbahay.
Type:
Outdoor game at Indoor game.
Materials:
Pader, kung saan magbibilang ang taya.
Description:
Sa larong ito, bibilang ang taya ng 1,2,3.... hanggang 10 tapos magtatanong ng
"Game?". May dakilang bata na sisigaw ng "Oo! Game na!"
kaya madalas siya ang unang taya. Kawawang bata, sumagot lang nataya na. Pwede
ka magtago kung saan-saan minsan sa likod ng poste kung walang choice, sa
ilalim ng sasakyan, sa taas ng puno, sa loob ng bahay, sa loob ng puno, at kung
saan pa meron butas basta makapagtago lang.
Game:
Langit Lupa
Players:
Kahit ilan. Uso sa mga magkakapitbahay.
Type:
Outdoor game at habulan.
Materials:
Matataas na lugar at mga bato na pwede mong tawagin na langit.
Description:
Kakantahin muna ang theme song na "Langit lupa impyerno, im-im-impyerno.
Saksak puso tulo ang dugo, patay, buhay, alis ka na diyan." Pero pwede
ding dagdagan kapag ayaw mong mataya tulad ng "totoo ba to? hin-de. Totoo
na ba? o-o." Pero bandang huli siya
pa rin ang taya. Madaya ang laro na ito dahil kahit anong mataas na lugar ay
langit kahit na hollow block lang ito o bato pa ito ni Darna. Mayroon type na
bilangan para hindi kawawa ang matataya.
Game:
Patintero
Players:
Mga cool na kaibigan.
Type:
Outdoor game.
Materials:
Mga guhit sa kalsada. Kung nasa alikabukan-magdrawing nalang ng mga guhit.
Description:
May dalawang grupo sa larong ito. Ang mga taya ang magbabantay sa mga guhit
kung saan para silang tren na may daanan. Iiwasan nyong mataya sa mga taong
nanghaharang dahil kapag nataya ka, siguradong sisisihin ka kapag natalo kayo.
Home run ang tawag kapag natapos ng isang team member nyo ang obstacles. Sa
larong ito mahalaga ang teamwork at dito masusubukan ang iyong speed at stamina
- parang kabayo.
Game:
Luksong baka o luksong baboy
Players:
Kahit sinong players. Uso sa elementary kapag dismissal na. Ang venue, sa may
damuhan.
Type:
Luksuan o talunan. I mean talon, hindi ‘yung talunan na laging talo.
Materials:
Baka at baboy, tapos gawin nyong nilaga. Joke lang.
Description:
Dito dapat mataas ang pagtalon mo. Sa umpisa, nakaupo pa lang ang taya. Tapos
kapag level 2 na tataas na, tapos tataas ulit hanggang sa ito ay tumuwad na
dahil hindi mo na matalunan. Simple lang naman ang laro na ito. Kapag hindi mo
natalunan, ikaw naman ang taya. Applicable ito sa dalawang players lang kung
wala na kayong ibang kaibigan.
Game:
Piko
Players:
Mga babae lang ang naglalaro nito.
Type:
Indoor game at outdoor game.
Materials:
Chalk o basag na paso pangdrawing ng larong ito. Pambato na pwedeng bato,
tsinelas, o kaya bag.
Description:
Gamit ang chalk, magdradrawing ka ng larong piko. Iba-ibang variations ang
piko, minsan flag, minsan bahay, minsan robot, para silang architect. Gagamit
ng pambato para makapaglaro nito. Dito nauubos ang oras ng mga kababaihan noong
panahon namin. Malawak kasi ang playground sa school namin. Kapag nagsawa na,
pwede mo ng ibato sa kalaro mo ang pambato.
Game: Dr.
Quack Quack
Players:
Kahit ilan. Mga acrobat at kasali sa circus.
Type:
Indoor game.
Materials:
Mga sarili nyo lang.
Description:
Ang taya ay tatawaging Dr. Quack Quack. Habang wala siya, magpupulupot muna ang
ibang players tapos tatawagin si Dr. Quack Quack para paghiwahiwalayin kayo.
Magaling si Dr. Quack Quack. May magical itak siya na kayang paghiwalayin ang
mga kamay ninyo. Dito nararanasan ng mga bata ang mapilay sa unang pagkakataon
sa sobrang pagpulupot. Ito din ang first stage sa mga kabataang gustong maging
sexbomb dancer na hilig magsplit.
Ito ay
ilan lang sa mga larong nauso noong panahon namin. Masarap maglaro ng habulan
lalo na kung super sonic kang tumakbo. Hindi masaya maglaro ng tagu-taguan
kapag maliwanag ang buwan. Hindi ka makakapagtago ng maayos.
Ano ba
ang mayroon sa mga bata ngayon? Sa paglipas ng panahon, napakaraming gadgets
ang naiimbento at nagsusulputan. Hindi ko naman sinasabing sila ang may
kasalanan bakit naging tamad ang mga bata. Lahat ng bagay, kapag sumobra,
nagiging masama at nagkakaroon ng negatibong epekto. Dahil sa mga gadget, naging
tamad ang mga bata. Sa halip na naigagalaw nila ang katawan nila, nakukuntento
na sila sa pagtigil sa isang lugar tulad ng pagko-computer o kung anu pa mang
gadget. Ang pagkakaibigan? Dinadaan nalang sa Internet at cellphone sa halip na
personal. Matatatak sa isipan nila na sapat na ang makipag-usap sa Internet.
Nakakalungkot isipin na ito ang magiging future ng mga bata ngayon.
Ikaw?
Naranasan mo rin ba ang maging bata?